Pagkakaiba

Akala ko noon, magiging maayos na ang buhay ko pagsapit ng kolehiyo. Buong akala ko na magagamit ko na nang maagap ang oras, at madali ko nang matatapos ang mga gawain. Akala ko, mababago ko na ang mga bagay na kailangang baguhin. Akala ko rin sapat na kung anong mga natutunan ko sa sekondarya para harapin ang bagong yugto ng aking buhay. Ngunit lahat pala ng mga ito’y akala lamang.

Dito ko naunawaan kung gaano kahirap ang mamuhay nang mag-isa na wala si Mama na gumigising sa akin tuwing umaga, si Papa na inihahatid ako araw-araw, ang mga kapatid kong kasama ko sa pagtulog pati na sa away at kulitan, si Mamay na nag-aasikaso ng lahat kapag may kailangan ako, si Papay na nagpapanday ng mga proyekto ko, si Mama Men na palaging magpapaalala na magdasal ako araw at gabi.

Nang dahil dito, naranasan kong mahirapan at masaktan, at mas naiintindihan ko na rin ang mga bagay-bagay simula sa paglalaba hanggang sa pagiging responsableng lubos.

Mahigit kumulang tatlong buwan pa lamang simula nang yakapin ko ang buhay kolehiyo. Mahirap, malungkot at nakakapanibago ang mga negatibong epekto na maaari kong maranasan mula rito ngunit kasabay ng mga hindi kagandahang bungang ito, mayroon pa ring mga magagandang resulta na pwede kong makita sa paglipas ng mga araw.

Balang araw, ang lahat ng iyong pinuhunan ay masusuklian din.

Leave a comment