Ka-i-bi-gan

Wala na akong ibang alam na pwedeng ilarawan sa kanila kundi ang salitang ‘baliw’. Natitiyak ko naman kasi na kilalang-kilala ko na sila mula ulo hanggang paa. Batid ko ang lahat ng mga kalokohang ginagawa nila noon pa man, hindi nga lang ako umiimik kung minsan dahil baka ako pa ang pagkainteresan. Minsan, natatawa na lang ako kapag naiisip ko ang walang humpay at wagas naming mga tawanan.

Iyong isa ay parang matanda humalakhak, may isa namang napakalutong ng bungisngis, ang ilan naman ay katulad ng kontrabida sa pelikula kung tumawa at mayroon ding kinakapos pa sa paghinga dahil sa katatawa lalo na kapag nagkakasabay sila.

Kapag magkakasama kami, palagi akong nagiging loka-loka. May kanya-kanya kaming pananaw pero ang pagkakaiba ng mga pananaw na iyon siguro ang dahilan kung bakit kami nagsama-sama. Palaging may nabubully sa amin at may nagbubully. Tama, palaging may naaagrabyado sa katatawa at sa kahihiyan. Higit sa lahat, palaging may asaran. Ngunit hindi naging uso sa amin ang magtanim ng sama ng loob nang matagal.

Oo, may naging alitan din kami sa bawat isa, may tampuhan, may iyakan at mayroon ding kampihan. Ngunit ang lahat ng ito’y parang alikabok lamang na tinatangay din nang hangin kinalaunan. Sa bawat pinagdaanan namin, mayroon kaming natututunang aral. At dahil din dito, may mga bagay-bagay na lubusan na rin naming nauunawaan.

May mga ginagawa kaming mga bagay na kakaiba. Mahilig kaming magfoodtrip lalo na syempre kapag may manlilibre.Nariyan din ang pagkanta sa paborito naming “song of the day.” Iyong kanta na uulit-ulitin namin hanggang uwian. O kaya, manunuod ng pelikula sa daan habang naglalakad. Kung hindi naman ay gala roon, gala riyan. Kung saan-saan  kami napapadpad noon. May mga araw namang feel na feel naming magselfie, minsan sa damuhan, minsan sa tapat ng paaralan, minsan sa ilalim ng puno at kung ano-ano pa.

Hindi lang iyon ang dahilan kung bakit kami naging magkakaibigan. Lukso ng ganda? Pwede. Pero iyan ang hindi rin namin alam basta nagkatagpo kami sa munting paaralan at dito nagsimulang umusbong ang aming  pagkakaibigan hanggang maabot namin ang katandaan. Dahil ang totoo at tunay na kaibigan, kahit ano pang gawin mo riyan, asarin mo nang paulit-ulit, batukan mo nang malakas, agawin mo ang syota (joke), nariyan pa rin yan, sa kasiyahan man o maging sa kadramahan mo sa buhay!

Leave a comment