Ang Kwento

May kwento ako…

May kwento pero hindi ko alam kung paano ko isasalaysay ito…

Dahil ang kwentong ito ay dalawa lang ang pwedeng maging epekto…

At ito ay nakadepende sa taong nagbabasa ng kwentong ito…

Alam ko namang may kanya-kanya tayong paniniwala sa iba’t ibang bagay. Sa buhay ng isang tao, mayroon syang natatanging kinabibilangan. Kinabibilangang mahirap iwanan at talikuran. Ang dibisyon sa lipunang pilit nating ginagalawan. Masisisi mo ba ako kung iba rin ang aking pinanghahawakan na katotohanan? Katotohanang nasa akin na nang ako ay binigyang buhay ng aking Ina sa mundong ibabaw.

Walang sinuman sa amin ang nagmumura. “Bawal na bawal ang magmura,” iyon palagi ang sinasabi ng aking mga magulang dahil ito raw ay masama. Kahit ngayon ay dala-dala ko pa ang patakarang ito. Napakapayapa sa komunidad na kinabibilangan ko. Masaya na parang wala kang maaaninag na kaguluhan. Ngunit nang lumabas na ako, dito ko nakita ang lahat ng kabaliktaran ng mga kinasanayan ko.

Bigla akong napaiyak nang masaksihan ko ang mga ito na tila wala akong kaalam-alam sa lahat ng mga bagay na nangyayari. Nalungkot ako at pinag-isipan itong muli ngunit ang lagi kong nahahanap ay ang aking sarili na binabalik-balikan ang lahat ng pinaniwalaan ko noon.

Masaklap ang buhay. Ito ang napagtanto ko habang ako’y patuloy na nagkakaroon ng kamalayan. Kayhirap pala mabuhay sa isang mundong laganap na ang kasamaan. Masakit palang isipin na kahit sa simpleng bagay ay nagkakabuhol-buhol ang ating mga pangarap at inaasam.

Ngunit, kahit na natuklasan ko ang mga bagay na ito hindi pa rin nawala ang pinanghahawakan kong katotohanan na masaya ang mamuhay at mapalad ang mga taong biniyayaang magkaroon ng buhay. Bakit? Kasi gaano man kahirap ang pagdaanan mo, naloko ka, nagpakatanga, naagrabyado at nagkaroon ng napakaraming problema, nariyan Siya.

Hindi man madaling paniwalaan pero may kabutihang nakapaloob na sa tao, kahit sino o ano man yan, kriminal o masamang tao, babae man o lalake. Huwag sana nating hayaang maging makitid ang ating mga isip at maging manhid ang ating mga puso.

Ngayon, sabihin mo…

Masisikmura mo bang husgahan ako dahil sa kwento ko?

Leave a comment