Usapang FINALS

Right minus wrong…

Sa FINALS, halos lahat nagrerebyu dahil ayaw nilang bumagsak at maalis ang scholarship. Iyong iba nagmistulang mga paniki na, mulat na mulat ang mga mata sa gabi imbes na sa umaga. Iyong ilan naman, maagang natutulog sa gabi para lang magising nang maaga. Ikaw? Anong ginagawa mo kapag FINALS?

Psychology…

Masyadong mahirap raw ang test kaya pinarevise ng Dean.

Buong akala…

“Hay, buti nalang. Yes!”

Katotohanan nang makita ang test paper…

“A a a ano ‘to?”

Maya-maya…

“Right minus wrong ang pagsusulit nyo.”

Nabigla…

“Ha? Maaaaaaaam.”

Habang sumasagot…

“Ano nga ba iyong sagot dito? Nabasa ko iyon kanina. Please pumasok ka ulit sa isip ko.”

Matapos ang ilang minuto…

“Ipasa na ang mga papel.”

Nataranta…

“Maam. Wait lang.”

Napaisip…

“O sige. (5) Five minutes more.”

Isa… Dalawa… Limang minuto…

“Ipasa na ang mga papel, ang mahuli hindi na tatanggapin.”

Nagmadali…

“Hala pa’no to? Walang pa akong sagot dito.”

Nag-isip ng sampung segundo…

“Sige na nga! Right minus wrong naman. Sayang kung mabawasan pa ang score na makuha ko.”

Bago magcheck…

“Maam, ‘wag nalang po RIGHT MINUS WRONG.”

Walang sumagot…

Maya-maya…

“O sige na.”

Nainis…

“What?! E di sana sinagutan ko nalang lahat kahit hindi sigurado iyong ibang sagot! Ano ba yan?”

At doon po nagtatapos ang FINALS.

Ang Kwento

May kwento ako…

May kwento pero hindi ko alam kung paano ko isasalaysay ito…

Dahil ang kwentong ito ay dalawa lang ang pwedeng maging epekto…

At ito ay nakadepende sa taong nagbabasa ng kwentong ito…

Alam ko namang may kanya-kanya tayong paniniwala sa iba’t ibang bagay. Sa buhay ng isang tao, mayroon syang natatanging kinabibilangan. Kinabibilangang mahirap iwanan at talikuran. Ang dibisyon sa lipunang pilit nating ginagalawan. Masisisi mo ba ako kung iba rin ang aking pinanghahawakan na katotohanan? Katotohanang nasa akin na nang ako ay binigyang buhay ng aking Ina sa mundong ibabaw.

Walang sinuman sa amin ang nagmumura. “Bawal na bawal ang magmura,” iyon palagi ang sinasabi ng aking mga magulang dahil ito raw ay masama. Kahit ngayon ay dala-dala ko pa ang patakarang ito. Napakapayapa sa komunidad na kinabibilangan ko. Masaya na parang wala kang maaaninag na kaguluhan. Ngunit nang lumabas na ako, dito ko nakita ang lahat ng kabaliktaran ng mga kinasanayan ko.

Bigla akong napaiyak nang masaksihan ko ang mga ito na tila wala akong kaalam-alam sa lahat ng mga bagay na nangyayari. Nalungkot ako at pinag-isipan itong muli ngunit ang lagi kong nahahanap ay ang aking sarili na binabalik-balikan ang lahat ng pinaniwalaan ko noon.

Masaklap ang buhay. Ito ang napagtanto ko habang ako’y patuloy na nagkakaroon ng kamalayan. Kayhirap pala mabuhay sa isang mundong laganap na ang kasamaan. Masakit palang isipin na kahit sa simpleng bagay ay nagkakabuhol-buhol ang ating mga pangarap at inaasam.

Ngunit, kahit na natuklasan ko ang mga bagay na ito hindi pa rin nawala ang pinanghahawakan kong katotohanan na masaya ang mamuhay at mapalad ang mga taong biniyayaang magkaroon ng buhay. Bakit? Kasi gaano man kahirap ang pagdaanan mo, naloko ka, nagpakatanga, naagrabyado at nagkaroon ng napakaraming problema, nariyan Siya.

Hindi man madaling paniwalaan pero may kabutihang nakapaloob na sa tao, kahit sino o ano man yan, kriminal o masamang tao, babae man o lalake. Huwag sana nating hayaang maging makitid ang ating mga isip at maging manhid ang ating mga puso.

Ngayon, sabihin mo…

Masisikmura mo bang husgahan ako dahil sa kwento ko?

Ka-i-bi-gan

Wala na akong ibang alam na pwedeng ilarawan sa kanila kundi ang salitang ‘baliw’. Natitiyak ko naman kasi na kilalang-kilala ko na sila mula ulo hanggang paa. Batid ko ang lahat ng mga kalokohang ginagawa nila noon pa man, hindi nga lang ako umiimik kung minsan dahil baka ako pa ang pagkainteresan. Minsan, natatawa na lang ako kapag naiisip ko ang walang humpay at wagas naming mga tawanan.

Iyong isa ay parang matanda humalakhak, may isa namang napakalutong ng bungisngis, ang ilan naman ay katulad ng kontrabida sa pelikula kung tumawa at mayroon ding kinakapos pa sa paghinga dahil sa katatawa lalo na kapag nagkakasabay sila.

Kapag magkakasama kami, palagi akong nagiging loka-loka. May kanya-kanya kaming pananaw pero ang pagkakaiba ng mga pananaw na iyon siguro ang dahilan kung bakit kami nagsama-sama. Palaging may nabubully sa amin at may nagbubully. Tama, palaging may naaagrabyado sa katatawa at sa kahihiyan. Higit sa lahat, palaging may asaran. Ngunit hindi naging uso sa amin ang magtanim ng sama ng loob nang matagal.

Oo, may naging alitan din kami sa bawat isa, may tampuhan, may iyakan at mayroon ding kampihan. Ngunit ang lahat ng ito’y parang alikabok lamang na tinatangay din nang hangin kinalaunan. Sa bawat pinagdaanan namin, mayroon kaming natututunang aral. At dahil din dito, may mga bagay-bagay na lubusan na rin naming nauunawaan.

May mga ginagawa kaming mga bagay na kakaiba. Mahilig kaming magfoodtrip lalo na syempre kapag may manlilibre.Nariyan din ang pagkanta sa paborito naming “song of the day.” Iyong kanta na uulit-ulitin namin hanggang uwian. O kaya, manunuod ng pelikula sa daan habang naglalakad. Kung hindi naman ay gala roon, gala riyan. Kung saan-saan  kami napapadpad noon. May mga araw namang feel na feel naming magselfie, minsan sa damuhan, minsan sa tapat ng paaralan, minsan sa ilalim ng puno at kung ano-ano pa.

Hindi lang iyon ang dahilan kung bakit kami naging magkakaibigan. Lukso ng ganda? Pwede. Pero iyan ang hindi rin namin alam basta nagkatagpo kami sa munting paaralan at dito nagsimulang umusbong ang aming  pagkakaibigan hanggang maabot namin ang katandaan. Dahil ang totoo at tunay na kaibigan, kahit ano pang gawin mo riyan, asarin mo nang paulit-ulit, batukan mo nang malakas, agawin mo ang syota (joke), nariyan pa rin yan, sa kasiyahan man o maging sa kadramahan mo sa buhay!

#PoreberBitter.

Lahat nalang ng tao bitter – si Visera na bitter kay Luke dahil may girlfriend na raw, si Chelsea na nainlove sa klasmeyt niya, AKA ‘Seben’, si Syarleot na may pagtingin kay Bertol pero iba naman ang crush, si Christine na umibig sa lalaking seminarista, si Lucille na nagkaroon ng lihim na pagtingin sa isang lalakeng ang puso ay pagmamay-ari na ng iba at higit sa lahat, ako na parang baliw na sa kaaasa.

Hindi naman sana masama ang pagiging bitter at lalong wala namang mali kung magiging bitter ka. Ang kaso, halos lahat ng mga bitter sa mundo, araw-araw nalang may hugot. (Di na nagsawa ‘te?) At hindi lang yan, kasi sa araw-araw na yan maririnig at maririnig mo ang mga katagang “WALANG FOREVER.”

Hindi naman sa tinututulan ko na maging mapait ang mga tao at maging sweet sila sa kahit sino. Ang sa akin lang naman, may mapapala ba kayo kung magiging bitter kayo? Pero may FOREVER talaga! May FOREVER! Alam niyo kung ano? KAYO! #PoreberBitter

Pero napansin ko nabawasan na ang mga bitter sa mundong ibabaw. Oo! Walang halong biro at dahil yan sa kalyeserye ng “ALDUB” na pinagbibidahan nina Alden Richards at Maine Mendoza. (Buti nalang talaga nandyan ang “ALDUB.” Hindi ako promoter. Sinasabi ko lang.) Syempre hindi rin naman magpapahuli ang OTWOL/ On the Wings of Love nina James Reid at Nadine Lustre pati na ang Pangako Sa’yo kung saan agaw pansin si Amor Powers na ginagampanan ni Jodi Sta. Maria.

Opinyon ko lang po ito. Wala kasi akong maisip na iba. (HAHA! Huwag po kayong bitter sa pinublish ko!)

‘Yung mga kasamahan ko sa bahay, grabe makareact. Lalo na nang malaman nilang magpopost ako ng tungkol sa “forever.” Hindi ko alam kung bakit ganoon ang kanilang naging reaksyon. Mga bitter din kasi.

Isa lang ang masasabi ko, ano man ang emosyon na ipapakita mo, palaging may kasunod yan na positibo o kaya naman ay negatibong epekto sa kapwa mo, sa lipunan at sa lahat ng nakapaligid sa’yo maging sa sarili mo. Huwag kalimutang maging maingat at magsiguro! Sabi nga sa palabas na “Aha,” ‘LAMANG ANG MAY ALAM.’

Pagkakaiba

Akala ko noon, magiging maayos na ang buhay ko pagsapit ng kolehiyo. Buong akala ko na magagamit ko na nang maagap ang oras, at madali ko nang matatapos ang mga gawain. Akala ko, mababago ko na ang mga bagay na kailangang baguhin. Akala ko rin sapat na kung anong mga natutunan ko sa sekondarya para harapin ang bagong yugto ng aking buhay. Ngunit lahat pala ng mga ito’y akala lamang.

Dito ko naunawaan kung gaano kahirap ang mamuhay nang mag-isa na wala si Mama na gumigising sa akin tuwing umaga, si Papa na inihahatid ako araw-araw, ang mga kapatid kong kasama ko sa pagtulog pati na sa away at kulitan, si Mamay na nag-aasikaso ng lahat kapag may kailangan ako, si Papay na nagpapanday ng mga proyekto ko, si Mama Men na palaging magpapaalala na magdasal ako araw at gabi.

Nang dahil dito, naranasan kong mahirapan at masaktan, at mas naiintindihan ko na rin ang mga bagay-bagay simula sa paglalaba hanggang sa pagiging responsableng lubos.

Mahigit kumulang tatlong buwan pa lamang simula nang yakapin ko ang buhay kolehiyo. Mahirap, malungkot at nakakapanibago ang mga negatibong epekto na maaari kong maranasan mula rito ngunit kasabay ng mga hindi kagandahang bungang ito, mayroon pa ring mga magagandang resulta na pwede kong makita sa paglipas ng mga araw.

Balang araw, ang lahat ng iyong pinuhunan ay masusuklian din.

Pagsalubong sa Agosto2k15

Kaninang umaga lang, maraming dumaan sa bahay. Masyado silang maingay at halos lahat ay may isinisigaw. Hindi ko alam kung ano ito at para saan hanggang sa napagpasyahan kong lumabas at tingnan kung ano nga ba ito. Doon ko nasilayan ang mga estudyante at guro na may iwinawagayway. Biglang pumasok sa isip ko ang wikang Filipino nang mabasa ko ang mga islogan at ibat-ibang mensaheng nakalagay sa puting animo’y mga bandila. Kaysaya isiping ginugunita nating mga Pilipino ang Buwan ng Wika hindi ba? Ito ang magpapaalala sa ating bigyang pansin ito at lalo pang pagyamanin.

Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, pilit pa ring pumasok sa aking isipan ang isang katotohanan. Kung ano ang katotohan na iyon? Sisirin mo ang lalim nang iyong matarok at maunawaan ang ibig kong sabihin.